top of page

Tayo ay Susubukan

  • By: Abu Mus'ab
  • Jul 16, 2017
  • 5 min read

Mga alipin ni Allah, mga magulang at kapatid sa pananampalataya, ang mundong ito na ating ginagalawan ay isang lugar ng pagdurusa, kahirapan at pagsubok. Hindi ito mundo ng pagsasaya gaya ng inaakala ng iba. Kahit anong pagsasaya sa mundong ito ay may katapusan at sa huli ikaw ay malulungkot. Iilang tao na ba ang sumubok na bilhin ang kaligayahan sa pamamagitan ng salapi? tingnan mo sila na nalulong sa bisyo, sila ba ay patuloy na nagiging maligaya sa kanilang ginagawa?

Kaya tayo na may paniniwala sa Allah ay dapat ihanda ang ating mga sarili mula sa pagdurusa dahil ito ay katotohanan ng mundong ito. Darating sa atin ang maraming pait ng pagsubok dahil ito ay patunay na ang mundong ito ay mundo ng pagdurusa. Sa pamamagitan ng paghahandang ito ay in sha Allah matatanggap natin ang itinakda ni Allah at makakasumpong tayo ng kaligayahan.

Kaya si Allah ay nagsabi:

Wa laa tahinu wa laa tahzanu wa antumul a'lawna in kuntum mu'mineen- at huwag kayong maging mahina, at huwag kayong malungkot at kayo ay magtatagumpay kung kayo ay tunay na mananampalataya. (3:139)

Ang mundong ito ay mundo ng pagsubok sa ating lahat, kahit pa tayo ay Muslim o kaya ay kafir.

Lahat tayo ay nagkakasakit, ito ay pagsubok. Lahat tayo ay tumatanda, ito ay pagsubok.

Lahat tayo ay may lakas, ito ay pagsubok.

Lahat tayo ay may pera, ito ay pagsubok.

Lahat ng bagay na ito ay pagsubok sa atin, pati na ang ating mga mata, ang ating katawan, ang ating kaalaman, ang ating pananampataya, at ito ay itatanong sa atin sa araw ng paghuhukom. Pati mga Propeta ay sinubukan ng Allah, sila na ang pinakamabuting nilalang at pinaka mainam sa lahat ng tao. Kaya papaano pa kaya tayo na sumusunod sa kanila?

Dapat malaman ng isang tao na dadaan siya sa mga pagsubok ng Allah bago niya makamit ang tagumpay.

Ang Dakilang Allāh ay nagwika:

قَالَ تَعَالٰى: ﴿ أَمْ حَسِبْتُمْ أَن تَدْخُلُواْ الْجَنَّةَ وَلَمَّا يَأْتِكُم مَّثَلُ الَّذِينَ خَلَوْاْ مِن قَبْلِكُم مَّسَّتْهُمُ الْبَأْسَاء وَالضَّرَّاء وَزُلْزِلُواْ حَتَّى يَقُولَ الرَّسُولُ وَالَّذِينَ آمَنُواْ مَعَهُ مَتَى نَصْرُ اللّهِ أَلا إِنَّ نَصْرَ اللّهِ قَرِيبٌ ﴾ سورة البقرة ٢١٤

Iniisip ba ninyo, O kayong nananampalataya sa Allāh, na kayo'y makapapasok ng 'Al-Jannah' Paraiso nang walang pagsubok na darating sa inyo, na katulad ng mga pagsubok sa mga mananampalatayang nauna sa inyo, na mga kahirapan, mga sakit, pagkatakot, mga paglindol at iba pang mga uri ng mga nakatatakot? Hanggang sa sinabi ng isa sa Sugo ng Allāh para sa kanila at ng mga naniwala, bilang pag-asam na paratingin nang madali ang tulong mula sa Allāh: Kailan darating ang tulong ng Allāh? Walang pag-aalinlangan! Katiyakang malapit na ang tulong ng Allāh sa mga mananampalataya.- Qur'an 2:214

Ganon katindi at kahirap ang kanilang pinagdadaan, ngunit pagkatapos ng mga paghihirap na iyon ay nakamit nila ang habag, awa, kapatawaran at tagumpay na walang iba kundi ang Paraiso ng Allāh at doon sila maninirahan magpasawalang hanggang (walang nang paghihirap at sakit kundi puro nang kaligayahan).

Ang Dakilang Allāh ay nagwika:

قَالَ تَعَالٰى: ﴿ أَحَسِبَ النَّاسُ أَنْ يُتْرَكُوا أَنْ يَقُولُوا آمَنَّا وَهُمْ لا يُفْتَنُونَ * وَلَقَدْ فَتَنَّا الَّذِينَ مِنْ قَبْلِهِمْ فَلَيَعْلَمَنَّ اللَّهُ الَّذِينَ صَدَقُوا وَلَيَعْلَمَنَّ الْكَاذِبِينَ ﴾

سورة العنكبوت ٢-١

Iniisip ba ng mga tao na kapag sinabi nilang: "Naniwala kami" ay pababayaan na lamang sila ng Allāh at hindi magkakaroon ng pagsubok sa kanila?. Katiyakan, sinubok Namin ang mga naunang tao kaysa kanila sa pamamagitan ng pagpapadala Namin ng mga Sugo, upang sa pamamagitan nito ay walang pag-aalinlangang palilitawin ng Allāh kung sino ang tapat at totoo sa kanilang paniniwala, gayundin ang mga hindi totoo.- Qur'an 29:2-3

Sinabi ni Imam ibnul Qayyim

"Kapag inilagay ni Allah ang isang tao sa ilang mga pagsubok o paghihirap at nauunawaan ng taong ito na kay Allah lamang siya hihingi ng tulong, ito ay mabuting senyales para sa kanya; ang mga pagsubok ay nagiging pagdadalisay at habag.

Sa kabilang banda, kung siya ay tumatanggi, nagrereklamo o tumatalikod kay Allah at humihingi lamang siya ng saklolo sa mga kapwa niya nilalang, ito ay masamang senyales para sa kanya; ang mga pagsubok ay nagiging parusa at kalbaryo para sa kanya."

(Tareequl-Hijratayn, ftn 103, p. 259)

Kaya mga alipin ni Allah, tayo ay tiyak na makadaranas ng mga pagsubok sa buhay, ngunit bago pa man dumating ang bagay na ito ay ihanda na natin ang ating mga sarili sa mga ibadah, mga dua, kabutihang gawa at lalo na ang pagbibigay ng kawang gawa at e dua natin si Allah na kung tayo man ay susubukan sana ito ang maging dahilan na tayo ay makapasok sa paraiso.

Wa aqulu qawli hadha...

PART 2

Mga kapatid at mga magulang sa pananampalataya, ang bawat pagsubok na dumating sa ating buhay ay isang pamamaraan ng Allah upang itaas ang ating antas. Dahil sa awa ng Allah sa atin ay itinaas niya tayo sa pamamagitan ng pagsubok, isang pagtataas ng antas na hindi natin kayang maabot o makamit sa pamamagitan ng ating mga gawain ngunit ito ay makakamit sa pamamagitan ng ating sabr. Kaya, anomang lakas ng hangin o hampas ng alon sa ating buhay dapat tayo ay manatiling matatag at mapagbata dahil dito ay mayroong nakalaang gantimpala na napakalaki na hindi mapapantayan ng anomang gawain.

Si Al Jallaj ibn Hakeem ay nagsalaysay na narinig niya ang Propeta Muhammad na nagsabi:

عَنْ الجلاج بن حكيم سَمِعْتُهُ مِنْ رَسُولِ اللَّهِ صَلَّى اللَّهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ قَالَ إِذَا سَبَقَتْ لِلْعَبْدِ مِنْ اللَّهِ مَنْزِلَةٌ لَمْ يَبْلُغْهَا بِعَمَلِهِ ابْتَلَاهُ اللَّهُ فِي جَسَدِهِ أَوْ فِي مَالِهِ أَوْ فِي وَلَدِهِ ثُمَّ صَبَّرَهُ حَتَّى يُبْلِغَهُ الْمَنْزِلَةَ الَّتِي سَبَقَتْ لَهُ مِنْهُ

"Kung si Allah ay magnais para sa kanyang alipin ng isang antas na hindi niya kayang abutin sa pamamagitan ng kanyang gawa, kung gayon si Allah ay maglalagay sa kanya sa pagsubok sa kanyang katawan, kayamanan at mga anak. At siya ay magtitiis hanggang sa maabot niya ang antas na nais para sa kanya."

Kaya dapat na tayo ay magsabr, magtiis upang tayo ay manaig laban sa pagsubok. Ito ang isa sa mga ibig sabihin ng sinabi ni Allah.

Inna ma'al usriy yusra, Fa inna ma'al usriy yusra

Kaya pag tayo ay sinubukan sa pamamagitan ng sakit, wag malungkot, kundi isipin natin na ito ay biyaya sa atin dahil yung iba ay dumating nalang sa kanila ang kamatayan nang walang babala samantalang tayo ay binalaan at ipinaalala sa atin na ang buhay ay panandalian. Wag malungkot dahil ang sakit mo ay hindi pa katapusan nang lahat kundi ito ay simula nang malalaking gantimpala pag ikaw ay nagpatuloy sa pagsamba sa iyong Panginoon.

Pag tayo ay sinubukan ng kahirapan sa buhay, wag malungkot dahil hindi naman ang yaman ang nagbibigay sa atin ng antas sa paningin ng Allah. Ang ating kahirapan ay magtutulak sa atin upang sambahin ang Allah sa pamamagitan ng paghingi sa kanya at ito ay pagsamba na may malaking gantimpala.

Pagtayo ay sinubukan ng pang aapi at pang aalipusta, wag malungkot dahil walang makakahulagpos sa Allah at sa mga nakatalagang tagapagbantay ng bawat isa sa atin. Bawat sakit at kahihiyan na ating natamo dito sa mundo ay pagbabayaran nila sa kabilang buhay at tayo ay babayaran din ng gantimpala dahil sa ating pagtitiis.

At pag tayo ay sinubukan ng kamatayan, sino ba ang ligtas mula dito?

Kaya tumawag sa Allah, mag tiis at tanggapin ang kanyang mga itinakda.


Comments


Categories

Recent post
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square

© 2023 by Coming Soon

Proudly created with Wix.com

bottom of page