top of page

Ang Pagiging Matapat sa Sunnah

  • ipoetryart
  • Jul 15, 2017
  • 8 min read

Purihin ang Allah (swt), ang Panginoon ng mga

Daigdig. Nawa’y igawad ng Allah (swt) ang

kapayapaan at pagpapala sa Kanyang huling

Propeta at Sugo na si Muhammad (saws), gayundin

sa kanyang buong pamilya at mga kasamahan.

Ang Propeta (saws) ay nagturo sa kanyang mga

kasamahan ng Sunnah sa pamamagitan ng salita at

gawa, at hinikayat ang mga ito na sumunod, tulad

ng kanyang sinabi sa Hadeeth: “Panghawakan ang

aking Sunnah” at “Sinumang magpabaya sa aking

Sunnah ay hindi nabibilang sa akin.”

Si ‘Abdullah ibn Mas’ood (nawa'y kalugdan siya ng

Allah) ay nag-ulat na si Propeta Muhammad (saws)

ay nagsabi: “Walang ipinadalang Propeta ang

Allah sa kahit anong nasyong nauna sa akin,

malibang mayroon siyang mga alagad at

kasamahang nagmula rin sa kanyang nasyon na

nagsisunod sa kanyang Sunnah at tumalima sa

kanyang mga ipinag-utos.” (Muslim/71)

Ang ilang aspeto ng Sunnah na Waajib (itinakdang

tungkulin) at ang iba ay Mustahab (itinatagubilin).

Ang isang Muslim ay kinakailangang sumunod sa

Sunnah ng Propeta (saws) maging ito ay Waajib o

Mustahab, hangga't ito ay may matibay na

batayan. Ang mga Sahaabah (kasamahan – nawa’y

kalugdan sila ng Allah) ay nagpalaganap ng

Sunnah ng Propeta (saws) at hinikayakat ang mga

tao na magsisunod dito.

Ang wastong bilang ng "Takbeerat" (Allahu akbar)

habang nagdarasal ay Sunnah

Sinabi ni 'Ikrimah: “Nagdasal ako (ng Dhuhur) sa

may likuran ng matandang lalaki sa Makkah at

siya ay nagbanggit ng ‘Takbeer’ nang dalawampu't

dalawang ulit. Sinabi ko kay ibn Abbas na ang

lalaki ay luku-luko. Sinabi niya: ‘Nawa'y mawala

ka sa iyong ina! (Bawian ka sana ng buhay!) Ang

Sunnah ni Abu'l-Qaasim (isa sa palayaw ni Propeta

Muhammad [saws]) ay ang mag-Takbeer nang

limang ulit sa bawa't Raka'ah, Takbeer sa Ihraam

at sa pagtayo para sa ikatlong

Raka'ah.” (Bukhari/764)

Ang Umupo ng "Muftarishan" sa Pagdarasal ay

Sunnah

Iniulat ni 'Abdullah ibn 'Abdullah: Nakita ko si

'Abdullah ibn 'Umar (nawa'y kalugdan siya ng

Allah) na nakaupo na magkapatong ang mga paa

nang siya'y umupo (upang banggitin ang Tashahud

habang nagdarasal). Bata pa ako noon at ginaya ko

ito, subali't pinagsabihan ako ni 'Abdullah ibn

'Umar na huwag ko itong gawin. Sinabi niya na

ang Sunnah ay ang itukod ang kanang paa at ipitin

ang kaliwang paa sa ilalim mo [ito ang ibig sabihin

ng Iftiraash o pag-upo ng Muftarishan –Tagapagsalin].

Sinabi ko sa kanya, ‘(Bakit) Hindi

mo iyon ginagawa?’ Sinabi niya, ‘Hindi ko na ito

magawa sa aking mga paa (dahil sa katandaan o

sakit)’.” (Bukhari/784)

Ang Sunnah para sa isang manlalakbay na paikliin

ang kanyang Salaah kung hindi makasabay sa

Imaam

Sinabi ni Moosaa ibn Salamah al-Hudhali:

“Tinanong ko si ibn Abbaas, paano ako magdarasal

kapag ako'y nasa Makkah at hindi ko kasabay ang

Imaam?” Sinabi niya, “Dalawang Raka'at ang

Sunnah ni Abu'l-Qaassim (saws)”. (Muslim/1111)

Ang Hajj at-Tamattu' ay Sunnah

[Hajj at-Tamattu': ito ay kapag ang peregrino ay

pumasok sa Ihraam para lamang sa Umrah,

isinagawa ang Umrah, tinapos ang Ihraam at

pagkaraa’y papasok sa panibagong Ihraam para sa

Hajj – Tagapagsalin]

Isinalaysay nina Muhammad ibn al-Muthannaa at

ibn Bashshaar: Sinabi sa amin ni Muhammad ibn

Ja'afar na si Shu'bah ay nagsabi: “Narinig ko si

Abu Jamrah al-Duba'i na nagsabi: ‘Gusto kong

magsagawa ng Hajj at-Tamattu’, at may ilang taong

nagsabing huwag ko itong gawin. Nagtungo ako

kay ibn 'Abbas at nagtanong sa kanya ukol dito, at

sinabi niyang isagawa ko ito. Pagkatapos ay

umuwi ako at natulog, at may isang dumating sa

akin sa panaginip at nagsabi: ‘Ito ay isang

katanggap-tanggap na Umrah at Hajj Mabroor

[Hajj na isinagawa ayon sa Sunnah ng Propeta

(saws)]. Nagtungo ako kay ibn Abbas at sinabi ko

sa kanya ang nakita ko sa aking panaginip at

sinabi niya: 'Allahu akbar, Allahu akbar, ang

Sunnah ni Abu'l-Qaasim (saws)’.” (Muslim/2183 at

Bukhari/1465)

Ang pagdarasal ng dalawang Raka'at pagkatapos ng

bawa't Tawaaf ay Sunnah

Sabi ni Isma'eel ibn Umayyah: “Sinabi ko kay al-

Zuhri na si Atta ay nagsasabi na ang takdang

pagdarasal (Fardh) ay sapat na at hindi na

kailangan pang magsagawa ng dalawang Raka'at

pagkatapos ng Tawaaf. Sinabi niya: ‘Ang Sunnah

ay higit na mainam’. Hindi nagsagawa si Abu'l-

Qaasim (saws) nang pitong ulit na Tawaaf sa

Ka'bah maliban sa siya ay nagdasal ng dalawang

Raka'at pagkatapos nito.” (Bukhari, Baab salaa an-

Nabi li suboo'ihi rak'atayn)

Isang Sunnah ang pagpapaikli ng Khutbah at

pagmamadaling makatayo sa Arafah

Sinabi ni Saalim: "Sumulat si Abdul Malik kay al-

Hajjaj na nagsasabing huwag siyang maging iba

kay ibn 'Umar (nawa'y kalugdan siya ng Allah)

hinggil sa (ritwal ng) Hajj. Kasama kong dumating

si ibn 'Umar ng tanghali sa Araw ng Arafah.

Tumawag siya sa kubol ni al-Hajjaj, na lumabas na

balot ng isang kinulayan ng asapran (kulay kahel-

dilaw). Sinabi niya: ‘Ano iyon, O Abu Abdur

Rahmaan?’ Si Ibn 'Umar ay nagsabi: ‘Tayo na,

kung nais mong sumunod sa Sunnah.’ Sinabi niya

[al-Hajjaj], ‘Ngayon na ba?’ ‘Oo, ang tugon ni Ibn

'Umar. Sinabi ni al-Hajjaj, ‘Hintayin ninyo ako at

magbubuhos lang ako ng tubig sa aking ulo, at

pagkatapos ay lalabas na ako.’ Kaya naghintay

kami ni Ibn 'Umar hanggang sa lumabas si al-

Hajjaj at naglakad sa pagitan naming mag-ama.

Sinabi ko, ‘Kung nais mong sundin ang Sunnah,

panatilihing maikli ang Khutbah at magmadaling

tumayo sa Arafah.’

Ang pagtungo sa Mina mula sa Muzdalifah sa

pagbubukang-liwayway ay Sunnah

Sinabi ni 'Abdur Rahmaan ibn Yazeed: “Lumabas

kami kasama ni 'Abdullah (nawa'y kalugdan siya

ng Allah) patungong Makkah, at pagkatapos ay

nagtungo kami sa Muzdalifah at nagdasal ng

dalawang Salah [Maghrib at Ishaa], ang bawa't

Salah ay may kanya-kanyang Adhaan at Iqaamaah.

Kumain kami ng hapunan sa pagitan nitong

dalawang Salah. At pagkatapos ay nagdasal siya ng

Fajr nang dumating ang bukang-liwayway at may

ibang nagsasabi na sumapit na ang bukang-

liwayway at mayroong ding nagsasabing hindi pa.

Kaya naghintay siya hanggang sa maging higit na

maliwanag, at siya’y nagsabi: ‘Kapag ang Ameer

al-Mu'mineen ['Uthmaan] ay lumakad ngayon

patungo sa Mina, siya ay sumusunod sa Sunnah.’

Hindi ko tiyak kung alin ang nauna, kung ang

pagpuna ni 'Abdullah o ang paggayak ni 'Uthmaan

patungo sa Mina. Binabanggit niya ang

"Talbiyyah" hanggang marating niya ang Jamrat

al-'Aqabah at nagpukol ng mga bato sa Araw ng

Pag-aalay (Yawm an-Nahr). (Bukhari/1571)

Ang pagdarasal bago ang Khutbah sa ‘Eidus-Salah

ay Sunnah

Sinabi ni Taariq ibn Shihaab: “Ang taong unang

nagsagawa ng Khutbah bago ang pagdarasal sa

‘Eidul-Salah ay si Marwaan.” Isang lalaki ang

tumayo at sinabi kay Marwan, ‘Ikaw ay tumaliwas

sa Sunnah.’ Sabi ni Abu Sa'eed, “Ginawa ng taong

ito ang dapat niyang gawin, sapagka't narinig ko si

Propeta Muhammad (saws) na nagsabi: ‘Sinuman

ang makakita ng kamalian ay baguhin ito sa

pamamagitan ng kanyang kamay [na kumilos ukol

dito], at kung hindi niya kaya, sa pamamagitan ng

kanyang dila [na magsalita ukol dito], at kung

hindi niya kaya, sa pamamagitan ng kanyang puso

[damhin na ito ay mali], at ito ang

pinakamahinang pananampalataya’.” (Sinabi ni

Abu 'Eesa na ito ay saheeh hasan hadeeth, 2098)

Isang Sunnah ang pagkatay ng kamelyo (bilang

alay) habang ito ay nakatayo at ang unang paa

nito ay nakatali.

Sinabi ni Ziyaad ibn Jubayr: "Nakita ko si Ibn

'Umar (nawa'y kalugdan siya ng Allah) na

nagtungo sa isang lalaki na pinaupo ang kanyang

kamelyo upang ito ay kanyang katayin. Sinabi niya

sa kanya, ‘Patayuin mo ito nang nakatali ang

unahang paa, sapagka't ito ang Sunnah ni

Muhammad (saws).’ (Bukhari/1598)

Kapag umiinom, marapat na ipasa ang sisidlan sa

kanyang gawing kanan

Sinabi ni Anas ibn Maalik: “Nagtungo si Propeta

Muhammad (saws) sa aming bahay at humingi ng

maiinom. Ginatasan namin ang isang tupa at

dinagdagan ito ng tubig mula sa aking balon.

Ibinigay namin ito sa Propeta at uminom siya

mula rito. Nasa gawing kaliwa niya sina Abu Bakr

at 'Umar at ang nasa kanan naman ay isang

‘Bedouin (taong naninirahan sa disyerto). Nang

matapos uminom ang Propeta (saws), sinabi ni

'Umar: ‘Narito si Abu Bakr, O Sugo ng Allah,’

habang itinuturo ito. Subali't ibinigay ng Sugo

(saws) ang tasa sa Bedouin at hindi kay Abu Bakr o

kay 'Umar. Sinabi ng Sugo (saws), ‘Yaong mga nasa

kanan, yaong mga nasa kanan, yaong mga nasa

kanan.’ Sinabi ni Anas, ‘Ito ang Sunnah, ito ang

Sunnah, ito ang Sunnah’.” (Muslim/3785)

Ang pantay na paghahati ng Oras para sa mga

asawa ay Sunnah

Sinabi ni Anas: “Isang bahagi ng Sunnah na kapag

ang lalaki ay nakapag-asawa ng isang dating may

asawa (diborsiyada o biyuda), at pagkaraa’y nag-

asawa ng isang birhen, dapat niyang gugulin ang

kanyang pitong gabi sa piling niya. Pagkatapos

nito’y dapat niyang gugulin nang pantay ang

kanyang oras (sa kanyang mga asawa). At kung

siya ay nakapag-asawa ng isang birhin at

pagkaraa’y nag-asawa ulit ng isang dating may

asawa (diborsiyada o biyuda), dapat niyang

gugulin ang kanyang tatlong gabi sa piling niya.

Pagkatapos nito’y dapat niyang gugulin nang

pantay ang kanyang oras…” (Bukhari/4813)

Ang Sunnah sa mga usaping diborsiyo.

Ang kahulugan ng kabanata at-Talaaq, 65:1 sa

Banal na Qur’an: O Propeta, kapag ninanais

hiwalayin ang mga kababaihan (asawa), hiwalayan

sila sa kanilang Iddah at bilanging mabuti ang

kanilang Iddah …” [Karagdagang paliwanag:

Naitala ni Al-Bukhari na si Abdullah bin ‘Umar ay

hiniwalayan niya ang kanyang asawa habang siya

ay may regla (pamamanahon). Sinabi ito ni ‘Umar

bin Al-Khattab kay Propeta Muhammad (saws).

Ang Propeta ay nagalit at nagsabi: Utusan mo

siyang kuning muli ang asawa at ingatan hanggang

sa siya’y maging malinis (mula sa regla), at

maghintay hanggang sa siya ay datnan muli ng

regla at maging malinin muli. Pagkaraan nito’y

kung nais niyang makipaghiwalay, hiwalayan siya

kapag malinis na siya mula sa regla (wala ng

pagdurugo) at walang nangyaring pakikipagtalik

sa kanya.] Kinakailangang bilanging mabuti ang

mga araw at alamin kung ilang araw na ang

lumipas. Ang pamamaraan ng pakikipaghiwalay

ayon sa Sunnah ay hiwalayan siya sa panahong

siya ay Taahir (malinis mula sa regla o

panganganak), at walang naganap na pagtatalik sa

kanila simula nang ito ay maging Taahir. At

kailangan ang dalawang saksi sa paghihiwalay na

ito. (Bukhari)

Ang binabanggit na pangungusap mula sa Sunnah

kapag may ililibing,

Iniulat ni Ibn 'Umar (nawa'y kalugdan siya ng

Allah) na kapag nailagay na sa libingan ang isang

namatay (sa ibang salaysay, sinabi ni Abu Khalid:

nang mailagay na ang patay sa lahd ng kanyang

libingan), ang Propeta (saws) ay nagsabi:

“Bismillah wa billahi wa 'ala millati Rasool'lillah

(sa Ngalan ng Allah at sa pamamagitan ng tulong

ng Allah at sa pananampalataya ng Sugo ng

Allah).” At sa ibang kaganapan, sinabi niya:

“Bismillah wa billahi wa 'ala Sunnati Rasool'lillah

(sa Ngalan ng Allah at sa pamamagitan ng tulong

ng Allah at ayon sa Sunnah ng Sugo ng

Allah).” (Sinabi ni Abu 'Eesa: Ito ay Ghareeb Hasan

Hadeeth sa Isnaad na ito/967)

Isang bahagi ng Sunnah ang humingi ng pahintulot

nang tatlong ulit bago pumasok.

Sinabi ni Abu Sa'eed: "Humingi ng pahintulot si

Abu Moosa kay 'Umar upang pumasok. Sinabi

niya, ‘As-Salaamu alaykum, maaari ba akong

pumasok?' Sinabi ni 'Umar, ‘Iyan ang una.’ At

pagkaraa’y tumahimik ito sandali. Nagsabing muli

si Abu Moosa ng ‘As-Salaamu alaykum, maaari ba

akong pumasok?’ Sinabi ni 'Umar, ‘Iyan ang

pangalawa’, at siya’y nanahimik sandali. Muling

nagsabi si Abu Moosa ng ‘As-Salaamu alaykum,

maaari ba akong pumasok?’ At sinabi ni 'Umar,

‘Iyan ang pangatlo.’ At umalis si Abu Moosa.

Tinanong ni 'Umar ang tagapagbantay ng pinto,

‘Anong nangyari?’ Ang tagabantay ay nagsabi:

‘Umalis siya.’ Sinabi ni 'Umar, ‘Pabalikin mo siya.’

Nang siya ay bumalik, sinabi ni Umar, ‘Ano itong

ginawa mo (bakit ka umalis)?’ Sinabi ni Abu

Moosa: 'Ito ang Sunnah.' Sabi ni 'Umar: ‘Gayon

ba?, hindi ko alam ito...’ (Sinabi ni Abu 'Eesa:

Saheeh Hasan Hadeeth, 2614) [Bilang karagdagang

paliwanag : Makaraang humingi ng pahintulot

nang tatlong ulit at walang nagpapasok, nararapat

na umalis na.]

Binigkas ni Ibn 'Abbas nang malakas ang al-

Fatihah habang nagdarasal ng Janazah [dasal sa

paglilibing] upang ituro sa mga tao ang Sunnah

Sinabi ni Talhah ibn 'Abdullah ibn 'Awf: “Sumama

ako sa pagsagawa ng Salatul Janaazah at ako’y

nasa likuran ni Ibn 'Abbas (nawa'y kalugdan siya

ng Allah), at binigkas niya ang Pambungad ng

Aklat (binigkas niya nang malakas ang al-

Faatihah). Sinabi niya: Ginawa ko iyon upang

matutuhan nila na ito ay Sunnah.” (Bukhari/1249)

Binatikos ng mga Imaam yaong lumalabag sa

Sunnah.

Iniulat ni at-Tirmidhi sa kanyang Sunan na isa sa

mga pantas ng Madhaahib ang nagsabi: “Hindi

dapat gawin ang Salaat al-Istisqaa. (pagdarasal

para sa ulan), bagkus sila ay mag-du'a

(manalangin) at pagkaraa’y magsilisang lahat.”

Sinabi ni Abu 'Eesa: ito ay isang paglabag sa

Sunnah.

Sinabi ni Al-Bukhari (nawa'y kahabagan siya ng

Allah) sa kanyang Saheeh sa isang kabanata ukol

sa pagsunod sa Sunnah ng Propeta (saws): Sinabi

ni Ibn 'Awn: “May tatlong bagay na minamahal ko

para sa aking sarili at sa aking mga kapatid: Ito

ang Sunnah na dapat nilang matutuhan, at

magtanong sila ukol dito; ang Qur'an, na dapat

nilang pagsikapang unawain, at magtanong sila

ukol dito; at dapat iwanang mag-isa ang mga tao

maliban kung may mabuting dahilan.

” (Isinalaysay ni Bukhari, Kitaab al-I'tisaam bi'l-

Kitaab wa's Sunnah)

Hayaang matakot sa Allah (swt) ang sinumang nag-

aakalang hindi mahalaga ang Sunnah, at

sinasabing ito ay bagay na panlabas lamang at

walang kabuluhan, at hayagan nilang sinasalungat

ito. Iniisip nilang nagpapatunay lamang ito ng

kanilang pagiging katamtaman (sa pagganap) at sa

kanilang pagiging makatwiran, katulad ng sinasabi

nila. Sila'y napariwara at talunan, sapagka't ang

Sunnah ng ating Propeta (saws) ay siyang

pinakamamahal sa atin.

Kahit pa ang isang aspeto ng Sunnah ay Mustahab

(itinatagubilin) at hindi Waajib (itinakdang

gawain), hindi ba't mayroon tayong gantimpala sa

pagsunod dito? Lubha na ba tayong maraming

Hasanaat (mabubuting gawa) at hindi na tayo

kailangan pang maghangad nito?

O mga kapatid, nawa'y kaawaan tayo ng Allah

(swt). Sikaping nating makasunod sa bawa't

napagtibayang Sunnah, upang matuto tayo sa ating

Propeta (saws). Huwag nating pabayaan ito

sapagka't makatutulong ito sa atin sa Takdang

Araw na kung saan ang kayamanan o mga anak ay

hindi na pakikinabangan pa. Maging matapat tayo

sa Sunnah at ituro natin ito sa ating mga anak.

Ibalik ito sa gitna ng mga taong hindi nakababatid

nito, upang mapabilang tayo sa mga higit na

pinagpala sa pamamagitan ni Propeta Muhammad

(saws) sa kanyang pagsusumamo sa Allah (swt) sa

Takdang Araw na sana’y iligtas tayo sa

nagbabagang Apoy at ipasok tayo sa ipinangakong

Paraiso para sa mga matatapat na tagasunod ng

Kanyang Propeta.

O Allah, tulungan Mo po kaming makasunod sa

Sunnah. Papangyarihin Mo po kaming

makapamuhay ayon sa Sunnah at mamatay habang

pinanghahawakan ito. Nawa'y pagpalain ng Allah

(swt) ang ating Propeta Muhammad (saws).

(swt) Subhanna wa Taala. Luwalhatiin ang Allah,

ang Kataas-taasan. (saws): Sallallaho alaihi was-

sallam. Nawa’y itampok ng Allah ang pagbanggit sa

kanya at ilayo siya sa anumang paninira.


Recent Posts

See All
Tayo ay Susubukan

Mga alipin ni Allah, mga magulang at kapatid sa pananampalataya, ang mundong ito na ating ginagalawan ay isang lugar ng pagdurusa,...

 
 
 
Paghahanda sa Kabilang Buhay

Bilang paalaala, kung tayo ay nagsusumikap upang umunlad sa mundong ito, higit nating pagtuunan ng pansin ang paghahanda sa Kabilang...

 
 
 
Ang Mga Payong Pagkakapatiran

1. Dapat malaman na ang lahat ng mga nakaraang kasalanan ng isang taong yumakap sa Islam nang buong katapatan ay pinatatawad ng Allah ....

 
 
 

Comments


Categories

Recent post
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square

© 2023 by Coming Soon

Proudly created with Wix.com

bottom of page