top of page

Ang Mga Payong Pagkakapatiran

  • ipoetryart
  • Jul 15, 2017
  • 14 min read

1. Dapat malaman na ang lahat ng mga nakaraang

kasalanan ng isang taong yumakap sa Islam nang

buong katapatan ay pinatatawad ng Allah . Ang

Propeta ay nagsabi;

"Alam ba ninyo na pinapawi ng Islam ang lahat ng

nakaraaan (kasalanan)." (Iniulat ni Imam Muslim)

Higit pa rito, dahil sa kagandahang loob at habag

ng Allah , ang lahat ng kasalanang nagawa bago

yumakap ng Islam ay pinapalitan ng Allah bilang

magagandang gawain. Ang Allah ay nagsabi sa

Qur'an, Kabanata Al-Furqan, 25:68-70

"At sila yaong hindi dumadalangin sa ibang ilah

(diyos) na itinatambal sa Allah, sila na hindi pumatay

ng kapwa-tao na ipinagbabawal ng Allah, maliban sa

makatotohanang (makatuwirang) dahilan, at hindi

nagkasala ng bawal na pakikipagtalik at sinumang

gumawa nito ay makakatanggap ng kaparusahan. Ang

parusa ay pag-iibayuhin sa kanya sa Araw ng

Pagkabuhay Muli, at siya ay mananatili roon na

kadusta-dusta; maliban yaong nagsisi at naniwala at

gumawa ng kabutihan; para sa kanila, ay papalitan

ng Allah ang kanilang mga kasalanan ng mga

mabubuting gawa, at ang Allah ay Laging Nang

Mapagpatawad, ang Maawain."

Tunghayan itong magandang balita mula sa Allah .

Ang mga taong yumakap sa Islam mula sa mga

Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan

(Kristiyano at Hudyo) ay magkakaroon ng

dalawang gantimpala nang dahil sa kanilang

paniniwala sa kanilang mga Propeta at sa kanilang

paniniwala kay Propeta Muhammad bilang

Huling Sugo ng Allah. Ang Allah ay nagsabi,

Qur'an, Kabanata Al-Qasas, 28:52-54;

"Yaong sa kanila ay Aming ipinagkaloob ang

Kasulatan (ang Tawrat at Injeel) bago pa man ito, sila

ay naniwala (sa Qur'an). At nang ito ay bigkasin sa

kanila, sila ay nagsabing: "Kami ay naniniwala rito.

Tunay na ito ay katotohanan mula sa aming Rabb

(Panginoon). Tunay nga na kahit noon pa man kami

ay nabibilang sa mga Muslim (taong sumusuko ng

mga sarili sa Allah sa Islam (tulad ni Abdullah bin

Salam at Salman Farsi). Sa kanila ay ipagkakaloob

ang dalawang gantimpala sapagka't sila ay matiisin,

at umiiwas sa kasamaan (sa pamamagitan ng

paggawa ng kabutihan), at gumugugol (sa

kawanggawa) mula sa anumang bagay na

ipinagkaloob sa kanila."

Ang Propeta ng Allah ay nagsabi;

"Sinuman ang yumakap sa Islam mula sa dalawang

Angkan (na pinagkalooban) ng Kasulatan (mga Hudyo

at Kristiyano), sila ay magkakaroon ng dalawang

gantimpala. Sila ay tatanggap ng mga karapatan na

ating tinatamasa at sila ay nararapat magbigay ng

mga karapatan tulad ng ating ipinagkakaloob. At

kung sinuman ang tumanggap sa Islam mula sa mga

Pagano (bukod sa kanila), ay tatanggap ng kanilang

gantimpala, at matatamasa nila ang mga karapatan

na ating tinatamasa, at sila ay nararapat magbigay

ng karapatan na ating ipinagkakaloob." (Iniulat ni

Imam Ahmad)

Kaya, bilang bagong yakap sa Islam, kayo ay

magsisimulang mamuhay sa ilalim ng relihiyong

Islam na ang inyong talaan ay maputi at malinis,

kaya naman iwasan ang mga mali at

makasalanang gawain.

2. Ngayong inyong nababatid na ang katotohanan,

nararapat na maglaan ng sapat na panahon sa

pag-aaral ng inyong Deen (Relihiyon). Ang Propeta

ng Allah ay nagsabi;

"Kung hangarin ng Allah ang kabutihan para sa isang

tao, binibigyan Niya ito ng kakayahang maunawaan

ang kanyang relihiyon." (Iniulat ni Imam Bukhari)

Maglaan ng sapat na oras sa pag-aaral ng

kaalamang nauukol sa 'Aqeedah (Ang Prinsipiyo ng

Islamikong Paniniwala), at pagkatapos ay pag-

aralan din ang lahat ng mahahalagang kaalaman

hinggil sa pang-araw-araw na pamumuhay ng

inyong Deen (Relihiyon) tulad ng (Tahara)

Paglilinis, (As-Salaah) Pagdarasal at ang mga ibang

pangunahing katuruan. Dapat ding matutunan ang

mga batas tungkol sa pangangalakal, at

paghahanap-buhay, upang sa ganoon ay hindi

kayo masadlak sa mga bagay na ipinagbabawal. At

nararapat na gawin ang makakaya upang maisaulo

ang Aklat ng Allah (ang Qur'an).

Dapat ninyong maunawaan ang inyong Deen

(Relihiyon) batay sa wasto at mapagkakatiwalaang

pinagmulan nito– ang Qur'an at 'Sunnah' ng

Propeta .

Gawin ninyong huwaran Ang Propeta

Muhammad at pag-aralan ang kanyang talambuhay

upang pamarisan at tularan. Kung maaari ay lagi kayong

makisama sa mga Maalam na Muslim o sa mga

mag-aaral na may tamang kaalaman sa Islam,

na isinasakatuparan ang anumang kanilang

itinuturo.

Dapat malaman na hindi lahat ng nag-aangkin

bilang mga Muslim ay tunay na Muslim.

Samakatuwid, maging maingat sa sinumang inyong

pinagkukuhanan ng kaalaman tungkol sa Islam.

Anuman ang inyong nababasa o naririnig ay

nararapat na pag-aralang mabuti o isangguni

batay sa aral ng Qur'an at Sunnah ng Propeta (ang

Sunnah ay dapat nauunawaan batay sa mga

paliwanag ng mga napatnubayang mga naunang

mabubuting Muslim). Ang Propeta ay nagsabi;

"Pinagpapayuhan ko kayo nang may kaakibat na

takot (Taqwaa) sa Allah, makinig at sumunod maging

sa isang alipin na taga Ethiopia na putol ang paa

(kung siya ang inyong maging pinuno). Sa

katotohanan, sinuman sa inyo ang mabuhay ng

mahabang panahon ay makasasaksi ng mga iba't

ibang pagbabago (sa relihiyon). Kaya, dapat na

manatili sa aking Sunnah at sa Sunnah ng mga

napatnubayang mga Khalifa (pinuno). Humawak nang

mahigpit at kumapit sa pamamagitan ng inyong mga

bagang (ngiping pang-nguya). At mag-ingat sa mga

gawaing Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng

Islam). Sapagka't, katotohanan na ang mga gawaing

pagbabago ay Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral

ng Islam), at bawa't Bid'aah ay (nag-aakay sa)

pagkakaligaw (sa patnubay)." (Iniulat ni ibn Hibban at

Abu Dawood)

Anuman ang umaayon sa kanyang Sunnah, ito ay

dapat kuhanin at sundin, at anuman ang

sumalungat ay nararapat na talikdan o iwasan.

(Kaya, kung kayo ay nag-aalinlangan ukol sa isang

bagay, ito ay dapat na isangguni sa isang mabuti,

mapagkakatiwalaan o mapananaligang maalam na

Muslim). Ang Propeta ng Allah ay nagsabi;

"Ang mga Hudyo ay nagkahati-hati sa pitumput-isang

(71) sekta, ang isa ay nasa Paraiso at ang pitumpu ay

nasa Impiyerno. Ang mga Kristiyano ay nahati sa

pitumput-dalawang (72) sekta, ang isa ay nasa Paraiso

at ang pitumput-isa ay nasa Impiyerno. Sa ngalan ng

Allah, na Siyang may tangan ng kaluluwa ni

Muhammad, ang aking 'Ummah' (pamayanan) ay

mahahati sa pitumput-tatlong (73) sekta, ang isa ay

mapupunta sa Paraiso at ang pitumput-dalawa ay

masasadlak sa Impiyerno.', May nagtanong , 'O

Propeta ng Allah, sino ang mapupunta sa Paraiso?'

Siya ay sumagot, 'Ang Jamaa'ah." (Iniulat ni ibn

Maajah)

3. 'Al-Wala at Al-Barra'. Ito ay nangangahulugan na

inyong mahalin at makipag-isa sa mga

Mananampalataya at inyong kasuklaman ang mga

gawain ng di-Mananampalataya at sila ay ituring

mong kaaway. Nguni't hindi ito nangangahulugan

na sila ay apihin at labagin o kamkamin ang

kanilang karapatan. Huwag mo silang kasuklaman

nang dahil lamang sa kanilang pagkatao, kundi

dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at

maling paniniwala at sa kanilang pagkakaligaw sa

tamang landas. Sa ganitong kalagayan, kailangan

mo silang anyayahan at gawin ang lahat ng

makakaya upang akayin sila sa tamang landas at

upang sila ay mailayo sa Impiyerno. (Sa

pamamagitan Da 'wah o pagpapaliwanag sa Islam).

Mas higit ang pakikipagkaibigan sa mga Muslim

kaysa sa di-Muslim at huwag silang tulungan laban

sa mga Muslim. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an,

Kabanata Al-Tawbah, 9:71;

"Ang mga Mananampalataya, mga lalaki at mga

babae, sila ay Awliyaa (tagapagtangkilik, kapanalig,

kaibigan, tagapangalaga) sa isa't isa…"

4. Dapat malaman na sinuman ang yumakap sa Islam

ay nakararanas ng masidhing pang-aapi at

nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan sa kanilang

mga malalapit na kamag-anakan o kaibigan.

Alalahanin na ang pagsubok na ito ay nagiging

daan upang higit pang umunlad ang ating Iman

(paniniwala, pananampalaya at pananalig)

nagpapadalisay sa atin mula sa mga kasalanan, at

ito ay nagsisilbing isang pagsubok mula sa Allah

upang makita ang ating katapatan sa ating

relihiyon. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata

Al-Ankaboot, 29:2-3;

"Inaakala ba ng sangkatauhan na sila ay hahayaan

na lamang sapagka't sila ay nagsasabi: 'Kami ay

naniniwala', at sila ay hindi isasailalim sa pagsubok?

Katotohanan, Aming sinubukan ang mga tao na nauna

pa sa kanila, at katiyakang ipakikita ng Allah yaong

mga matatapat at katiyakan din na ipakikita ng Allah

yaong mga sinungaling (bagaman ganap na nababatid

ng Allah ang lahat bago pa sila sinubukan)."

Minsan, Ang Propeta ay tinanong;

"Sino ba ang mga taong binigyan nang higit na

pagsubok? Siya ay sumagot, 'Ang mga Propeta,

sumunod ang mga mabubuti (kasamahan) at ang mga

sumunod sa kanila at ang mga sumunod pa sa kanila.

Ang lahat ng tao ay sinusubukan nang ayon sa

kanilang antas ng katapatan sa relihiyon, kung ang

kanyang paniniwala ay malakas, siya ay susubukan

nang mahigpit at kung ang kanyang pananampalataya

ay marupok, ang kanyang pagsubok ay mahina din.

Ang tao ay lagi nang bibigyan ng pagsubok at

pagsusuri hanggang siya ay lumakad sa ibabaw ng

mundo nang walang bahid ng kasalanan

(mapasakanila ang kapatawaran sa pamamagitan ng

pagsubok)." (Iniulat ni Imam Ahmad)

Dapat malaman na sila (mga di-Mananampalataya)

ay hindi magsisitigil sa paghimok sa inyo upang kayo

ay mag-alinlangan at kanilang laging ipinaaalala ang

mga pag-aalinlangan sa inyo. Kaya naman nararapat

na kayo ay magtanong sa mga taong maalam upang

maglaho at mapawi ang mga pag-aalinlangan, mula

sa Qur'an at sa Sunnah.

5. Ang Da'wah (pagpapalaganap sa Relihiyon ng Allah

at ang mga tunay na katuruan mula sa Sunnah.

Kayo ay dapat na maalam sa inyong panawagan at

pagpapalaganap sa katuruang Islam. Sa ganitong

paraan, ang mga alinlangan na inilalahad ng mga

kaaway ng Islam ay dagliang maipaliliwanag sa

paraang mahusay at matatag.

Ang Da'wah(pagpapalaganap ng Islam) ay kailangang batay sa

Salita ng Allah , Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:125;

"Anyayahan (ang sangkatauhan, O Muhammad) sa

Landas ng iyong Rabb (Panginoon) nang may

karunungan (sa pamamagitan ng Qur'an) at kaaya-

ayang pakikipagtalakayan, at makipagtalo sa kanila

sa paraang makabubuti. Katotohanan, ang iyong Rabb

(Panginoon) ay higit na nakababatid kung sino ang

napaligaw mula sa Kanyang Landas, at (Lubos)

Niyang natatalos yaong mga napatnubayan."

Kailangang gawin ang lahat ng makakayanan

upang mailigtas ang iba mula sa Impiyerno, tulad

ng pagkakaligtas sa iyo ng Allah mula rito, at

simulan ito sa mga malalapit sa iyo. Dapat laging

alalahanin ang Salita ng Propeta ;\

"Hindi ako isinugo ng Allah upang magpahirap sa

mga bagay, bagkus bilang isang guro at upang gawing

magaan ang mga bagay." (Iniulat ni Imam Muslim)

Dapat malaman na mayroong malaking biyayang

naghihintay mula sa Allah sa pag-akay sa isang tao

upang maging Muslim.Ang Propeta ay nagsabi kay

Ali (radia-llahu ´anhu) ;

"Kapag ang Allah ay nagpatnubay sa pamamagitan

mo kahit isang tao lamang (upang maging Muslim),

ito ay higit na mabuti kaysa sa (halaga ng) mundo at

ng nilalaman nito.

At katiyakan na kayo ay makatatanggap ng

gantimpalang tulad ng mga taong napatnubayan sa

pamamagitan ng iyong Da'wah (pagpapalaganap

ng Islam) na walang kabawasan sa kanilang

gantimpala kahit na katiting. Ang Propeta ay

nagsabi;

"Sinuman ang mag-anyaya tungo sa tamang

patnubay, siya ay makakatanggap ng karagdagang

gantimpalang katumbas ng gantimpala ng mga

sumunod sa kanya, na walang kabawasan sa kanilang

gantimpala kahit na bahagya lamang. Sinuman ang

mag-anyaya tungo sa ligaw na landas, siya ay

makakatanggap ng kasalanang tulad ng mga

kasalanan ng mga sumunod sa kanya, na walang

kabawasan sa kaparusahan (ng mga sumunod) kahit

na bahagya lamang." (Iniulat ni Imam Muslim)

Dapat malaman na ang Da'wah (pagpapalaganap at

pag-anyaya sa Deen [Relihiyong Islam]) sa mga di-

Muslim ay isang tungkulin ng bawa't Muslim, kaya

huwag magpabaya sa pagsasakatuparan ng

tungkuling ito. Ang Propeta ng Allah ay nagsabi:

"Ipalaganap sa iba (ang Deen, relihiyong Islam), kahit

sa pamamagitan ng isang ayah (talata)

lamang." (Iniulat ni Tirmidhi)

Gawin mong mahalin ng mga tao ang relihiyong ng

Allah . Ang Propeta ay nagsabi;

"Magbigay ng magandang balita at huwag maging

dahilan upang ang mga tao ay lumayo sa Deen

(Relihiyon), gawing magaan ang mga bagay para sa

mga tao at huwag gawing mahirap ang mga

bagay." (Iniulat ni Imam Muslim)

Dapat mong malaman na ang bunga ng pag-anyaya

sa iba para sa Islam ay hindi ninyo pananagutan,

dahil ang inyong gawain ay para lamang

magpaliwanag at ipakita sa mga tao ang daan ng

katotohanan. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an,

Kabanata Ash-Shooraa, 42:52-53;

"At sa gayon, Aming ipinadala sa iyo (O Muhammad)

ang Ruh (ang Kapahayagan at Habag) ng Aming

Kautusan. Hindi mo nababatid (noon) kung ano ang

Aklat o kung ano ang Iman (pananalig). Nguni’t

ginawa Namin ito (ang Qur’an) bilang Liwanag na

nagbibigay (tanglaw) patnubay sa sinuman sa Aming

mga alipin na Aming naisin. At katotohanan, ikaw (O

Muhammad) ang umaakay (sa sangkatauhan) tungo

sa Tuwid na Landas."

Tungkol sa patnubay sa pagsasakatuparan ng

Islam, tanging ito ay nagmumula sa Dakilang

Allah . Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-

Qasas, 28:56;

"Katotohanan, ikaw (O Muhammad) ay hindi

nagpapatnubay sa sinumang iyong naisin, bagkus, ang

Allah ang nagpapatnubay sa sinumang Kanyang

naisin. At Kanyang nababatid nang lubusan yaong

mga napatnubayan."

6. Gawin ang lahat ng makakaya upang makapili ng

mga mabubuting kasamahan na maghihikayat at

makatutulong sa iyo sa paggawa ng kabutihan,

magpapa-alaala at pipigil sa iyo sa paggawa ng

kasalanan at magtataguyod o tatangkilik sa buhay

mo. Ang Propeta ay nagsabi;

"Ang halimbawa ng isang mabuti at masamang

kasamahan ay katulad ng isang may dalang pabango

at ang isang panday. Ang may dalang pabango ay

maaaring magkapagbigay sa iyo ng pabango o

maaaring ikaw ay bumili o kahit papaano ikaw ay

makaaamoy ng bango nito. Nguni't sa isang panday,

maaaring masunog niya ang kanyang damit o kaya

ikaw ay makaaamoy nang masangsang na amoy mula

sa kanya (panday)." (Iniulat ni Imam Bukhari)

7. Mag-ingat upang hindi makagawa ng kalabisan sa

Relihiyon. Walang monastisismo (pagtalikod sa

makamundong gawain tulad ng pari, madre o

hermitanyo) o pagiging panatisismo sa relihiyon.

Ang Dakilang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata

Al-Baqarah, 2:185;

"….Ang Allah ay naglalayon na gawing magaan ito

para sa inyo at hindi Niya ninanais na gawing

mahirap ang mga bagay para sa inyo. (Nais lamang

Niya) na isakatuparan sa ganap na kaayusan ang

mga itinakdang araw ng pag-aayuno at Siya ay

inyong luwalhatiin nang dahil sa patnubay na

ipinagkaloob sa inyo upang kayo ay (matutong)

magpasalamat sa Kanya."

Si Anas bin Malik (radia-llahu ´anhu) ay nagsabi;

"May tatlong taong nagtungo sa pamamahay ng mga

asawa ng Propeta na nagtanong tungkol sa

pagsasagawa ng pagsamba ng Propeta. Nang kanilang

napag-alaman, inisip nilang ito ay magaan para sa

kanila at sinabi nila; 'Sino tayo kung ihambing sa

Propeta, sa katotohanan pinatawad na siya ng Allah

sa kanyang mga nakaraang kasalanang nagawa at sa

hinaharap.' Ang isa sa kanila ay nagsabi, 'Ako ay

magdarasal sa buong magdamag.' Ang isa naman ay

nagsabi; 'Ako ay mag-aayuno araw-araw nang walang

patlang o walang putol putol,' at ang isa naman ay nagsabi, 'Ako ay lalayo

sa mga babae at hindi mag-aasawa.' Nang ang

Propeta ng Allah ay dumating (at napag-alaman ang

mga ito) ay nagsabi, 'Kayo ba ang nagsabi ng ganito?'

'Sa Ngalan ng Allah , tunay na ako ang may higit na

takot sa Allah , at ako ang higit na maingat mula sa

inyo, nguni't ako ay nag-aayuno at kumakain, ako ay

nagdarasal at natutulog, at ako ay nag-asawa.

Sinuman ang tumahak nang lihis sa aking Sunnah o pamamaraan,

siya ay hindi nabibilang sa akin'." (Iniulat ni ImamBukhari)

Sa kabilang dako, walang dapat mangyaring

kompromiso o mga di-makatwirang kaluwagan sa

Deen (Relihiyon) ng Allah. Ang Propeta ay

nagsabi;

"Pagkatiwalaan ninyo ako sa aking ipinag-uutos sa

inyo. Katotohanan, ang mga nauna sa inyo ay

napinsala dahil sa kanilang (lagi nang) pag-

aalinlangan, pagtatanong at pagsalungat sa kanilang

mga Propeta. Kung pinagbawalan ko kayo mula sa

isang bagay, kayo ay lumayo nang ganap mula dito,

at kung pinag-utusan ko kayong gumawa ng isang

bagay, gawin ang lahat ng inyong

makakayanan." (Iniulat ni Imam Bukhari)

8. Marami kayong makikitang mga Muslim na hindi

nakatutupad sa kanilang mga tungkulin at hindi

umiiwas sa mga ipinagbabawal ng Deen

(Relihiyon). Hindi nila tinutupad ang kanilang

tungkulin sa pagpapalaganap ng Islam (Da'wah).

Sila ay nagkakaiba tungkol dito. Ang iba ay

tumutupad sa kanilang tungkulin sa ganap na

pamamaraan kaysa sa iba. Isa sa dahilan ay ang

pagpupumilit ng Shaytaan na iligaw ang mga anak

ni Adan. Ang Allah ay nagsabi, Qur'an, Kabanata

As-Saad, 38:82;

"Ang Satanas [Iblis]) ay nagsabi: “Sa pamamagitan ng

Inyong kapangyarihan, katiyakan, na silang lahat ay

aking ililigaw (mula sa tuwid na landas),"

Siya (Iblis) ay nagbanta na gagawin niya ang lahat

ng kanyang makakayanan upang iligaw ang

sangkatauhan (ang mga anak ni Adan). Ang Allah

ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:11-18;

"At tunay nga, na kayo ay Aming nilikha at

pagkaraan, kayo ay Aming binigyan ng hubog

(marangal na hubog ng tao), at pagkaraan, Aming

sinabi sa mga anghel, “Kayo ay magpatirapa kay

Adan” at sila ay nagpatirapa nguni't hindi ang Iblis

(ang Satanas), siya ay tumangging mapabilang sa

(hanay ng) mga nagpatirapa. (Ang Allah ay) Nagsabi:

“Ano ang pumipigil sa iyo (O Iblis) at (bakit) ikaw ay

hindi nagpatirapa, nang ikaw ay Aking pag-utusan?”

Siya (Iblis) ay sumagot: “Ako ay nakahihigit sa kanya

(kay Adan), ako ay Iyong nilikha mula sa Apoy,

samantalang siya ay Iyong nilikha mula sa putik

(lamang).” (Ang Allah ay) Nagsabi: “O (Iblis) ikaw ay

bumaba mula rito (sa Paraiso), hindi (marapat) para

sa iyo na ikaw ay maging mapagmataas dito. Kaya,

ikaw ay lumayas sapagka't ikaw ay nabibilang sa mga

kaaba-aba.” (Ang Iblis ay) nagsabi: “Itulot sa akin ang

(sandaling) palugit hanggang sa (pagsapit ng) Araw

na sila (mga tao) ay ibabangon (sa Araw ng

Pagkabuhay Muli).” (Ang Allah ay) nagsabi:“Ikaw ay

kabilang sa mga binigyan ng (sandaling)

palugit.” (Ang Iblis ay) Nagsabi :"Sapagka't ako ay

Iyong hinayaang mapaligaw, katiyakan ako ay

maghihintay na nakaabang laban sa kanila (sa mga

tao) sa Iyong matuwid na landas. “At pagkatapos ako

ay darating sa kanila mula sa kanilang harapan at sa

kanilang likuran, mula sa kanilang kanan at mula sa

kanilang kaliwa at hindi Mo matatagpuan ang

karamihan sa kanila na mapagpasalamat.” (Ang Allah

ay) Nagsabi (sa Satanas [Iblis]) ikaw ay lumayas mula

rito (sa Paraiso) na hamak at kinamuhian. Sinuman

sa kanila (sa sangkatauhan) ang sumunod sa iyo,

katiyakang Aking pupunuin ang Impiyerno mula sa

inyong lahat."

Huwag kayong panghinaan ng loob at mawalan ng

pag-asa sa pagsasagawa ng inyong tungkulin sa

pagpapalaganap (Da'wah) sa Deen (Relihiyon) ng

Allah , manapa'y ituring na ito ay malaking

inspirasyon upang gawin ang lahat ng

makakayanan sa pagpapalaganap ng Deen

(Relihiyon) ng Allah .

9. Ipakita sa pag-uugali ang mga Islamikong

kaugalian at kaasalan sa pang-araw-araw na

pamumuhay; tulad ng pagtulong sa mga

nangangailangan kakilala man siya o hindi at ang

pakikipag-usap sa iyong mga kapatid nang masaya

at may ngiti sa labi. Ang Propeta ay nagsabi;

"Ang pagngiti sa iyong mga kapatid ay itinuturing na

isang kawanggawa, ang pag-anyaya sa paggawa ng

mabuti at ang pagbabawal ng masama ay isang

kawanggawa, ang pagtulong at pagturo ng daan sa

mga naliligaw ay isang kawanggawa, ang paglingap

sa mga bulag o may mahinang paningin ay isang

kawanggawa, ang pag-alis ng tinik o bato sa

dinaraanan ay isang kawanggawa, at ang paglagay

ng tubig sa inuming lalagyan ng iyong kapatid ay

isang kawanggawa." (Saheeh ibn Hibbaan)

Ang inyong mga pananamit at lahat ng inyong mga

gamit ay dapat malinis. Ang isang Muslim ay

nararapat na laging malinis, sapagka't ang inyong

Deen (Relihiyon) ay Deen ng kalinisan. Ang Allah

ay nagsabi, Qur'an, Kabanata Al-A'raaf, 7:31;

"O mga anak ni Adan! Maglagay kayo ng palamuti (sa

pamamagitan ng pagsusuot ng malinis na damit),

habang nagdarasal…"

Binibigyan-diin ng Islam na ang Muslim ay may

pagkakaiba sa ibang relihiyon at pag-uugali. Ang

Propeta Muhammad ay nagsabi;

"Linisin ninyo ang inyong mga bakuran, sapagka't

ang mga Hudyo ay hindi naglilinis ng kanilang mga

bakuran." (Iniulat ni Al-Jaami)

Gawin ang lahat ng makakaya sa paggawa ng mga

kabutihan, tulad ng pagbibigay ng kawanggawa,

pagsasagawa ng mga kusang-loob na pagdarasal at

iba pang uri ng gawaing pagsamba.

Kapag ang isang Muslim ay nagsasagawa ng mga

nabanggit na kabutihan (sa itaas), ito ay

nagsisilbing isang uri ng paglalarawan ng di-

tuwirang Da'wah sa mga ibang Muslim na walang

pagpapahalaga at walang pagmamalasakit sa

kanilang Deen. Ito ay isa ring pagbibigay ng

Da'wah sa mga di-Muslim sapagka't nagiging

mapag-usisa sila sa mga magagandang aspetong

nakikita nila sa pagsasakatuparan mo ng Islam. Sa

gayon, sila ay nagkakaroon ng sigla o sigasig na

mapag-alaman ang mga aral ng Islam.

Pakitunguhan nang maayos at mabuti ang inyong

mga kamag-anak at huwag putulin ang ugnayang

pangkamag-anakan kahit na sila ay laban sa

inyong pagiging Muslim. Ang inyong ugnayan ay

dapat na higit na maganda kaysa noong dati upang

sa gayon ay kanilang maibigan ang inyong

pamamaraan ng buhay (ang pagiging Muslim) sa

ngayon at sila ay magiging malapit sa Islam.

Kanilang mababatid na ang inyong pag-uugali ay

higit na mabuti kaysa noon. Si Asmaa' (radia-llahu

´anhu) ay nagsabi;

"Ang aking ina, na isang pagano sa panahon ng

Propeta ng Allah, ay dumalaw sa akin, kaya tinanong

ko ang Propeta ng Allah; 'Ang aking Ina ay nagnanais

na makipagkita sa akin. Dapat ko bang ipagpatuloy

ang aming ugnayan?' Siya ay sumagot; 'Oo, kailangan

mong pangalagaan ang ugnayan ninyong mag-

ina." (Iniulat ni Imam Bukhari)

10. Dapat malaman na ang hamon sa pagitan ng

kabutihan at kasamaan ay mananatili hanggang sa

Huling Araw. Ang kahinaan ng mga Muslim at ang

lakas na pang-materyal ng mga di-

Mananampalataya, ang pagkaminorya ng mga

Muslim at ang pagdami ng mga di-

Mananampalataya, ang sinasabing kawalang-

kaunlaran ng buhay ng mga Muslim at ang pag-

unlad ng mga di-Mananampalataya, ang pagiging

mahina ng mga Muslim at ng pagiging malakas at

may karangalan ng mga di-Mananampalataya;

wala sa mga ito ang palatandaan na ang Islam ay

walang katotohanan. Ito ay bunga lamang ng mga

pagkukulang ng mga Muslim sa pagsasakatuparan

ng mga alituntunin at kautusan ng kanilang Rabb

(Panginoon) at ang kanilang pagtalikod sa

pagsasagawa ng mabuti at ang pagkalimot sa

pagtawag sa Allah . Si 'Umar ibn Al-Khattaab

(radia-llahu ´anhu) ang pangalawang Khalifa

(namumuno) ay nagsalaysay na ang Propeta ng Allah

ay nagsabi;

"Tayo ay mga mamamayang pinarangalan ng Allah

at binigyan ng lakas sa pamamagitan ng Islam. Kung

tayo ay maghanap ng karangalan sa ibang

pamamaraan, tayo ay hihiyain ng Allah. Ang

katotohanan ay dapat sundin sapagka't ito ang

dahilan ng pagkakalikha Niya sa Paraiso at

Impiyerno, at Siya ay nangako na Kanyang pupunuin

ang bawa't isa nito (ng tao at jinn)."

11. Tandaan mga kapatid na tayo ay nasa huling

panahon (ang Huling Araw ay nalalapit na), at

bawa't taon na lumilipas, tayo ay lalong

napapalapit sa wakas ng mundo at ang Oras ay

malapit ng maganap. Ang Propeta ay nagsabi;

"Ang aking sarili at ang Oras ay naitatag tulad nitong

dalawa, at itinaas na magkadikit ang kanyang

hintuturo at ang kanyang gitnang daliri." (Iniulat ni

Imam Bukhari)

Sinabi ng Propeta ang kalagayan ng Islam (at ang

mga Muslim) sa panahon na iyon, at sinabi;

"Ang Islam ay nagsimula bilang isang kakaibang

bagay, at ito ay babalik na kakaiba tulad nang una.

Kaya naman ito ay magandang balita sa mga

dayuhan." (Iniulat ni Imam Muslim)

Ang pagkakaroon ng maraming tagasunod ay hindi

katibayan bilang patunay ng isang sistema o

pamamaraan. At sinabi ng Propeta ;

"Magandang balita sa mga dayuhan! Magandang

balita sa mga dayuhan! Magandang balita sa mga

dayuhan!' May nagtanong; 'Sino ang mga dayuhan, O

Propeta ng Allah? Siya ay sumagot, 'Sila yaong mga

mabubuting tao sa gitna ng maraming masasamang

tao. Ang mga taong sumusuway ay higit na marami

kaysa sa mga taong masunurin." (Iniulat ni Imam

Ahmed)

Ipinaliwanag din niya ang kalagayan ng mga

Muslim kung ano ang magiging kahihinatnan ng

mga taong gumagawa at tumatahak sa kanyang

Deen (Relihiyon), at kung ano ang ibat-ibang

itinakdang paghihigpit at pagbabawal na kanilang

kinahaharap sa pagsasakatuparan ng kanilang

Relihiyon, maging ito man ay pangpisikal at pang-

kaisipan. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi;

"Ipag-utos ang kabutihan at ipagbawal ang kasamaan,

datapwa't kung inyong makita na ang kasakiman ay

sinunod, at sinundan ng pagnanasa, at ang buhay ng

mundong ito ay nagdudulot ng kasamaan sa mga tao,

na ang mga tao ay nasisiyahan sa kanilang mga

sariling haka-haka, magkagayon, nararapat na

maging matatag sa sarili at hayaan yaong nag-

aanyaya sa mga tao nang kabutihan sapagka't

pagkaraan mo ay magkakaroon ng mga araw na ang

pagiging matiisin sa kanila ay katulad ng pagsakmal

ng mainit na uling. At ang isang taong gumagawa ng

mabubuting gawain mula sa kanila ay makatatanggap

ng gantimpalang katumbas ng limampung taong

gumagawa ng gayong gawain." (Saheeh ibn Hibban)

Ipinaalam ng Propeta at sinabi na kung ang 'Araw

ng Pagbabangong-Muli' ay malapit na, ang Deen

(relihiyon) ay unti-unti mawawala hanggang ito ay

tuluyan nang maglaho. Walang taong nagsasabi ng

'Laa ilaaha ill-Allah' ang mananatili sa ibabaw ng

mundo at ang mga taong pinakamasama lamang

ang matitira, kaya sa sandaling iyon ay kanilang

madarama ang (pagsapit ng) Huling Oras.

Sa isang mahabang Hadeeth, si Nawwaas ibn

Sam'aan (radia-llahu ´anhu) ay naglahad ng

kasaysayan ng Dajjaal (ang Bulaang-Kristo), ang

pag-akyat sa langit ni Eessa ibn Maryam

(Hesukristou), at ang pagdating ng 'Ya'ooj at

Ma'jooj' (Gog & Magog) na nagsasabing;

"…pagkatapos ang Allah ay magpapadala ng mabuti

at dalisay na hangin na kukuha sa kanila mula sa

ilalim ng kanilang mga kili-kili. Kukunin nito ang

lahat ng mga Mu'min (mga ganap na mabubuting

Muslim) at ang mga karaniwang Muslim, at ang mga

pinakamasamang tao lamang ang maiiwan. Sila ay

makikipagtalik sa harap ng mga tao na tulad ng mga

asno at ang (hudyat ng Takdang) Oras ay darating sa

kanila." (Iniulat ni Imam Muslim)

12. Dapat nating malaman na ang lahat ng mga

pangyayari (o gawa) ay mahapan batay sa

paraan ng kanilang nilayon. Kaya naman laging

magsumamo (manalangin) sa Allah na nawa'y

gawing matatag ang ating pananampalataya sa

Islam at nawa'y kunin tayo ng Allah na nasa

mabuting kalagayan sa Huling Araw.

Samakatuwid, kailangang tiyakin ng bawa't isa sa

atin na ang ating mga salita at mga gawa ay para

lamang sa Allah , at nawa'y ang lahat ng gawain

natin ay alinsunod sa Kanyang mga alituntunin, at

gugulin natin ang mga nalalabing panahon sa

pagsasagawa ng mga gawaing kinalulugdan at

kinasisiyahan ng Allah . Dapat nating bilangin ang

lahat ng ating pagkakautang bago dumating ang

Oras ng Pananagutan at nararapat din na makita

ng Allah ang mga bagay na Kanyang ipinag-uutos

sa ating buhay at hindi ang mga bagay na Kanyang

ipinagbabawal.

Dinadalangin ko sa Allah na nawa'y lagi Niya

tayong gabayan at gawing maging matatag sa

pagsunod sa Kanyang Deen (Relihiyon) at nawa'y

ipagkaloob Niya sa atin ang wakas ng buhay sa

kalagayan ng isang mabuting Muslim. Ameen.


Recent Posts

See All
Tayo ay Susubukan

Mga alipin ni Allah, mga magulang at kapatid sa pananampalataya, ang mundong ito na ating ginagalawan ay isang lugar ng pagdurusa,...

 
 
 
Paghahanda sa Kabilang Buhay

Bilang paalaala, kung tayo ay nagsusumikap upang umunlad sa mundong ito, higit nating pagtuunan ng pansin ang paghahanda sa Kabilang...

 
 
 
Ang Pagiging Matapat sa Sunnah

Purihin ang Allah (swt), ang Panginoon ng mga Daigdig. Nawa’y igawad ng Allah (swt) ang kapayapaan at pagpapala sa Kanyang huling Propeta...

 
 
 

Commentaires


Categories

Recent post
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square

© 2023 by Coming Soon

Proudly created with Wix.com

bottom of page