Ano ang Mga Obligadong Kundisyon ng Islamikong Hijaab
- ipoetryart
- Jan 16, 2017
- 4 min read
“Ang hijaab ay hindi isinusuot upang maging palamuti. Ipinag-utos ni Allaah (subhanahu wa ta’ala) ang pagsusuot ng hijaab upang takipan ang kagandahan ng isang babae at hindi upang ito ay ipagmalaki.“
1. Ito ay tumatakip sa LAHAT NG PARTE NG KATAWAN
Napagkasunduan ng mga iginagalang na ulamaa ng Islam na ang mukha at mga kamay ng babae ay kinakailangan ring takipan. Mayroong ilan sa mga ulamaa ang nagsabi na maaaring ipakita ng babae ang kanyang mukha at mga kamay KUNG walang fitna na idudulot ang kaniyang gagawin na ito. Dalawa ang mga bagay na dapat ikunsidera sa pagtatakip ng mukha at mga kamay:
a) kung ang babae ay maganda at nagpapaganda ng kanyang mukha at mga kamay gamit ang ibang bagay, o
b) ang kanyang kapaligiran ay buktot at ang mga kalalakihan dito ay hindi nagbababa ng kanilang paningin, kung gayon ay ipinagbabawal sa kanya ang paglaladlad ng kanyang mukha at mga kamay.
Sa salaysay ng asawa ng Propeta (salallahu alayhi wa salam) na si Umm Salama (Radiyallahu anha) na nagsabing:
“Nang ibaba ang ayah tungkol sa pagtatakip ng buong katawan gamit ang kanilang panlabas na kasuotan, ang mga kababaihan ng Ansar ay lumalabas ng bahay na tila ba mayroong mga itim na uwak sa ibabaw ng kanilang ulo dahil sa suot nilang panlabas na kasuotan.”
2. Ang hijab ay hindi palamuti
Ang hijab mismo ay hindi isang palamuti. Ipinag-utos ni Allaah (subhanahu wa ta’ala) ang pagsusuot ng hijaab upang matakpan ang kagandahan ng kababaihan at hindi upang ipamarali ito. Si Allaah (subhanahu wa ta’ala) ay nagsabi`At huwag nilang ilantad ang kanilang kagandahan sa mga kalalakihan, kundi pagsumikapan nila na ito ay maitago maliban sa mga nakalantad na pananamit na ito ay nakalantad na kasuotan, kung ito ay hindi magdudulot ng anumang fitna.’ (Surah An-Nur 24:31).
AT
`At huwag ninyong ilantad ang inyong mga kagandahan na tulad ng ginawa ng mga kababaihan noong panahon ng kamangmangan.’ (Surah Al Ahzab 33:33).
Walang tamang maipangangatwiran upang magsuot ng hijab na siya mismong magiging palamuti.
3. Ang hijab ay hindi maaaring manipis na maaaninag na ang katawan
Ang layunin ng pagsusuot ng hijab ay kinakailangan na matupad. At upang ang hijab ay maging pantakip sa katawan, ito ay kinakailangan na hindi gawa sa manipis na tela na nakatakip nga sa katawan ngunit sa katotohanan ay sa katawagan lamang ito sapagkat ang babae ay maituturing na nakahubad. Ang Propeta (salallahu alayhi wa salam) ay nagsabi: “Sa mahuhuling henerasyon ng aking Ummah ay mayroong mga kababaihan na nakahubad kahit na sila ay may suot na damit, ang kanilang mga buhok ay ipupusod ng tila ng nakataas na tila ba umbok sa likod ng kamelyong Bukht, isumpa sila, sapagkat sila ay isinumpa. Sila ay hindi makakapasok sa Al-Jannah at ni hindi nila maaamoy ang halimuyak nito, kahit pa ito ay umabot sa layo na 500 taon na paglalakbay sakay ng kamelyo” Ito ay nangangahulugan na isinasadlak ng babae ang kanyang sarili sa isang napakalaki at mapaminsalang kasalanan kung siya ay magsusuot ng manipis at naaaninag na pananamit kung saan ay kitang kita ang hubog ng kanyang katawan.
4. Ang Hijab ay kinakailangan na maluwag.
Ang hijab ay bilang pananggalang sa fitna. Kung ito ay masikip, ito ay magbubunyag ng hubog ng katawan ng babae at mababalewala ang dahilan kung bakit nagsusuot ng hijab.
5. Ang hijab ay hindi dapat pabanguhan
Sa ulat ni Ad’Diya Al-Maqdisi, ang Propeta (salallahu alayhi wa salam) ay nagsabi:
“Ang sinumang babae na maglagay ng pabango sa kanyang sarili at siya ay nadaanan niya ang mga tao na nakaamoy ng kanyang pabango, siya ay isang Zaniyah (mangangalunya).”
6. Ang hijab ay hindi kawangis ng kasuotan ng kalalakihan
Imam Ahmed, Si an-Nissa’ee ay nag-ulat na sinabi ng Propeta (salallahu alayhi wa salam): “Ang mga kababaihan na gumagaya sa kilos ng mga kalalakihan ay hindi nagmula sa atin at ganoon din ang mga kalalakihan na gumagaya sa mga kababaihan.” Si Abu Huraira ay nagsalaysay: “Ang Propeta (salallahu alayhi wa salam) ai ISINUMPA ang mga lalaki na nagdadamit babae at ang mga babae na nagdadamit lalaki.”
7. Ang hijab ay hindi katulad at panggagaya sa mga hindi mananampalataya/kuffar
Isinalaysay nina Abu Dawoud at Ahmed na sinabi ng Propet (salallahu alayhi wa salam) : “Sinuman ang gumaya sa (ugali) ng bang tao, siya ay nabibilang sa kanila.”
Si Abdullah bin Ummar (Radiyallahu anhu) ay nagsabi: “Nakita ako ng Propeta (salallahu alayhi wa salamh) na nakasuot ng kasuotan na kinulayan ng saffron (orange), at kanyang sinabi: ito ay karaniwang isinusuot ng mga kuffar, kaya’t huwag kang magsuot ng ganyan”
8. Ang hijab ay hindi isinuot upang magpasikat
Sina Abu Dawoud at Ibn Majah ay nagsalaysay na sinabi ng Propeta (salallahu alayhi wa salam): “Ang sinuman na magsuot ng kasuotan upang umani lamang ng papuri sa mundo, sila ay pagsusuotin ni Allaah (subhanahu wa ta’ala) ng kasuotan ng kahihiyan sa Araw ng Pagbabangongmuli at pagkatapos ay sisilaban.” Ang kasuotan ng pagpapasikat ay iyong isinuot ng isang tao upang maging sikat siya. Ito ay para doon sa nagsusuot sobrang mamahalin na admit at lubhang hinahangaan ang buhay dito sa mundo o kaya naman ay doon sa nagdadamit ng dukha upang ipakita na siya ay walang pangangailangan sa maka-mundong buhay. Ang tao ay maaaring magsuot ng damit na may kakaibang kulay upang makatawag-pansin, magyabang, at magmalaki.
9. Nakatagong paraan ng paglalantad ng kagandahan
Kung susuriin ang iba’t-ibang kundisyon tungkol sa pagsusuot ng hijab, madaling matatanto na karamihan sa mga kabataang Muslim na kababaihan ay hindi natutupad ang mga kundisyon na ito. Marami ang kinukuha lamang ang ‘kalahati’ ng mga pag-iingat na ito at ito ay hindi lamang isang insulto sa lugar na kanyang tinitirhan, kundi higit na insulto sa kautusan ni Allaah (subhanahu wa ta’ala). Isinusuot nila ang mali nilang kasuotan na inaakala nilang “hijab” Kaya, O muslimoon, maging maingat kayo at alalahanin ninyo si Allaah (subhanahu wa ta’ala) at ang Kanyang Sugo (salallahu alayhi wa salam), at huwag kayong magpalinlang sa mga tao na nagbibigay ng pahintulot sa inyong maling gawain at itinatago ang tunay nilang adhikain. Huwag kayong magpalinlang, walang maidadahilan upang maging tama ang pagsunod kay shaytaan.
Kung kayo ay tunay at tapat na naghahangad ng Al-Jannah, kung gayon ay mag-ingat kayo sa mga bagay na ito, insha’Allaah.
~
Source: TROID.CA
Comments