Mga Panuntunan sa Pagbibiro
- Abu Shaykhani
- Jan 11, 2017
- 3 min read
Mga Panuntunan sa Pagbibiro
Isang araw ay may isang matandang babae na dumating sa Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam) at sinabi niya rito, “Oh Sugo ni Allah, hilingin mo kay Allah na papasukin Niya ako sa Kanyang paraiso.” Ang tugon sa kanya ng Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam) ay, “Oh Ummu Fulan (Fulan ang ginagamit sa isang di-partikular na pangalan ng tao), katotohanang hindi makakapasok Paraiso ang matatanda.” Tumalikod ang matandang babae na umiiyak. “Sabihin ninyo sa kanya na siya ay hindi papasok ng Paraiso na matanda dahil si Allah ay nagwika: (Nilikha Namin sila ng espesyal na paglikha. At ginawa Namin silang mga birhen. Kaibig-ibig at magkakasing-edad.) [Surah Al-Waqiah:35-37]”
Ibig-sabihin ay makakapasok ang matandang ito sa Paraiso. Allahu akbar! At lahat ng makakapasok ng Paraiso ay magbabalik sa edad na tatlumpu’t tatlo (33) ayon na rin sa nabanggit sa hadith ng Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam). Hilingin natin kay Allah na papasukin niya tayo sa Kanyang paraiso. Amin.
Hindi ipinagbabawal ng Islam ang pagbibiro paminsan-minsan subalit alalahanin natin ang ilang mga panuntunang ito upang hindi mahulog sa pagiging haram at hindi tayo magkasala.
1. Pagiging tapat sa pagbibiro ng walang halong kasinungalingan.
Itinuturing na malaking kasalanan ang pagsisinungaling kahit biro lamang dahil ang Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam) ay nagsabi:
(وَيْلٌ لِّلِّذِي يُحَدِّثُ بِالْحَدِيْثِ لِيُضْحِكَ بِهِ الْقَوْمَ فَيَكْذِب وَيْلٌ لَهُ وَيْلٌ لَهُ) رواه أبو داود والترمذي وحسنه والنسائي والبيهقي
“Kapanglawan para sa nagkukuwento upang mapatawa ang mga tao na siya ay nagsisinungaling, kapanglawan sa kanya at kapanglawan sa kanya.”(Kapanglawan: hapis, kalungkutan, pagdurusa, hinagpis, kasamaang-palad)
Ang Propeta (sallallahu ‘alayhi wa sallam) ay hindi nagbibiro maliban lamang at totoo. Sa hadith na nabanggit ay tatlong beses inulit ng Propeta (sallallahu ‘alayhi wa sallam) ang katagang waylun lahu (kapanglawan) na naglilinaw sa atin ng tindi ng parusa nito, wal ‘iyadhu billah.
2. Maging katamtaman lamang sa pagpapatawa at pagtawa.
Huwag puro na lamang biro at dapat ay maiksing sandali lamang dahil ang labis na pagtawa ay nakamamatay ng puso, nakapagpapahina ng pananamplataya kay Allah at nagpapalimot sa Araw ng Paghuhukom. Sabi ng Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam):
(لاَ تُكْثِرُوْا الضَّحْكَ ؛ فَإِنَّ كَثْرَةَ الضَّحْكِ تُمِيْتُ الْقَلْبَ) حديث صحيح رواه الترمذي
“Huwag dalasan ang pagtawa, dahil ang madalas na pagtawa ay nakamamatay ng puso.”
3. Pag-iwas sa pangmamaliit o panlilibak.
Iwasan ang pagbitaw ng mga biro na may pamimintas, tsismis, pagmamaliit sa iba at panlilibak. Ang mga ito ay haram at nabibilang sa malalaking kasalanan.
4. Magandang intensyon.
Katulad na lamang ay upang pasiglahin ang mga kasamahan, o maaaring magpalakas ng pagkakaibigan, o paglimot sa problema at kalungkutan. Ang ganitong paraan naman ng pagbibiro ay mainam at maaaring makakuha ng gantimpala mula kay Allah.
5. Pagpili ng tamang oras, lugar at tao na iyong bibiruin.
Hindi yaong palagi na lamang biro kahit na sa mga seryosong usapan. Hindi yaong puro na lamang biruan kahit nagkakapikunan na. Huwag sa oras ng pagsamba lalo na sa salah, pagbabasa ng Qur-an, pag-alala sa kamatayan o sa pakikipaglaban. Huwag magbiro sa bagong gising. May kasabihan nga sa Tagalog na: “Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising.”
At pumili ng taong bibiruin. Kailangan ay kilalanin mo muna ang iyong bibiruin at mag-ingat sa mga madaling mapikon o kaya ay yaong hindi mo ka-close o hindi mo kalahi, dahil maaaring magdulot ito ng away. At sa mga yaong nakakapagpababa ng respeto sa iba.
6. Bawal magbiro patungkol sa kasal, talaq (paghihiwalay ng mag-asawa), at pagbabalikan.
Ipinagbawal ito sa atin ng Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam). Kung halimbawang biniro mo ang iyong misis at sinabi mo sa kanyang, “Hiwalay na tayo.” ay nangyari ang talaq (paghihiwalay) sa sitwasyong ito. O kung ikakasal ka ng wali ng babae at tinanggap mo ito ng pabiro ay naganap ang kasalan. Ganundin sa ruj’ah o pagbabalikan ng mag-asawa. Sabi ng Rasulullah (sallallahu ‘alayhi wa sallam):
(ثَلاَثٌ جَدُّهٌنَّ جَدٌّ وَهَزْلُهُنَّ جَدُّ الطَّلاَقُ وَالِّنكَاحُ وَالرُّجْعَةُ) حسنه الترمذي
“Tatlong bagay na ang pagiging seryoso rito ay seryoso, at ang pagbibiro rito ay seryoso (pa rin): paghihiwalay, kasalan, at pagbabalikan.”
7. Huwag bibiruin ang kasama sa pamamagitan ng armas.
O ng kutsilyo, batuta, baril at iba pang nakakasakit na bagay. Huwag ring kunwari ay sasagasaan ng minamanehong sasakyan pagkatapos ay bigla kang pepreno , o kunwari'y susuntukin. Kahit pa ito ay biro ay itinuturing ito ng Islam na malaking kasalanan dahil maaari siyang itulak ng masama o ng Shaytan at matuluyan ang binibiro at mayroong hadith tungkol rito. Wa na’udhu billahi min dhalik.
8. Huwag gawing biro ang alinmang bagay na may kinalaman sa relihiyong Islam.
Iginagalang ng Muslim ang kanyang relihiyon. Anumang bagay rito katulad ng Paraiso, Impiyerno, Quran, Hadith, mga Sahabah, mga anghel at lahat ng tanda ng Islam ay hindi niya isinasama sa kanyang biruan, lalo’t tungkol tungkol kay Allah at sa Kanyang Sugo (sallallahu ‘alayhi wa sallam). Alam naman natin na nakalalabas ng relihiyon ang sinumang gawin niyang biro ang alinmang bahagi ng relihiyong Islam.
Nawa’y makapagbigay pakinabang sa atin ang aralin na ito. Hingin natin kay Allah na liwanagan Niya sa atin ang ating mga puso, salita at gawa. Amin.
Recent Posts
See AllAnu ang karapatan ng Propeta Muhammad (sallAllahu alaihi wa sallam) sa ummah na ito? Answer: -Napakarami ang karapatan ng Propeta...
Question: -Sino ang pwedeng pagkalooban ng ALLAH ng Karamah? Answer: -Ang pagkakalooban lamang ng ALLAH (swt) ng Karamah ay ang Kanyang...
Question: -Anu ang KARAMAH? At anu ang pinagkaiba nito sa MU'JIZAH? Answer: -Ang KARAMAH كرامة ay salitang Arabic na ang kahulugan ay...
Comments