Ang Anim (6) na Haligi ng Paniniwala أركان الإيمان الستة
- ipoetryart
- Jan 10, 2017
- 5 min read
a) Ang Paniniwala sa Allah b) Ang Paniniwala sa mga Anghel c) Ang Paniniwala sa mga Kapahayagan (Aklat) d) Ang Paniniwala sa mga Sugo o Propeta ng Allah e) Ang Paniniwala sa Araw ng Paghuhukom f) Ang Paniniwala sa Kahihinantnan (Tadhana o Kapalaran) masama o mabuti.
Ang Muslim ay may matapat at buong pusong paniniwala sa mga sumusunod:
1. Paniniwala sa Kaisahan ng Allah at ang Pagsamba sa Kanya lamang. – الإيمان بالله
Ang Muslim ay naniniwala sa nag-iisa lamang na Diyos (Allah). Siya lamang ang karapat-dapat na sambahin sapagka’t Siya lamang ang nagkaloob ng buhay sa lahat. Ang tunay na paniniwala sa kaisahan ng Allah ay ang taus-pusong pagsaksi na Siya ay nag-iisang Diyos. Siya ay walang anak, ama o ina. Hindi Siya maaaring ihambing kaninuman o sa anuman na Kanyang nilikha.
Ayon Sa Banal na Qur’an (112 : 3-4 )
“… Hindi Siya nagka-anak at hindi Siya ipinanganaak, at Siya ay walang katulad.” Ang Allah –Ang Maawain at ang Mahabagin ay nagpapatawad sa lahat ng kasalanan na Kanyang naisin. Subalit ang kasalanang hindi Niya mapatatawad ay ang pagtatambal sa Kanya sa anumang kalagayan at ang pagsamba sa iba maliban sa Kanya. Kapag ang tao ay namatay sa isang kalagayan na siya ay sumasamba sa iba o nagtatambal sa Allah ng anuman sa anumang kalagayan, isinara na niya ang kanyang tadhana sa Paraiso. Subalit habang siya ay nabubuhay, mayroon siyang pagkakataong bumalik sa likas na pagsamba sa Dakilang Lumikha. Ang Allah ay laging nagpapatawad sa kaninumang matapat na nagsisisi.
Ayon Sa Banal na Qur’an (4 :48 ) “ Katotohanan, hindi pinatatawad ng Allah ang pagbibigay katambal sa pagsamba sa Kanya, ngunit pinatatawad Niya ang lahat (maliban dito) sa kaninuman na Kanyang naisin….” Ang Islam ay naghihikayat sa tao na kilalanin nang tapat ang Lumikha na nagkaloob ng buhay sa kanya. Kaya’t ang Allah lamang ang dapat na pag-ukulan ng pagsamba.
2. Paniniwala Sa mga Orihinal na Kasulatan – الإيمان بالكتب
Ang Muslim ay naniniwala sa lahat ng mga Orihinal na kasulatan na ipinadala ng Allah sa Kanyang mga Propeta. Ang mga kasulatang nababanggit sa Banal na Qur’an ay ang mga sumusunod:
i) Suhuf (Kalatas) na ipinahayag kay Propeta Abraham (SAWS)
ii) Tawrat (Torah) na ipinahayag kay Propeta Moses (SAWS)
iii) Zabur (Salmo) na ipinahayag kay Propeta David (SAWS)
iv) Injeel (Ebanghelyo) na ipinahayag kay Propeta Hesus (SAWS)
v) Qur’an na ipinahayag kay Propeta Muhammad (SAWS )
Ang mga Orihinal na kapahayagan na nabanggit ay pinaniniwalaan ng mga Muslim sapagkat iisa lamang ang kanilang pinagmulan,- ang Allah.
Ngunit sa kasalukuyan, tanging ang Banal na Qur’an na lamang ang nalalabing kapahayagan na nananatili sa kanyang Orihinal na anyo. Ito ay nagsisilbing patotoo sa mga naunang mga aklat na ipinahayag sa mga naunang Propeta.
3. Paniniwala Sa mga Anghel – الإيمان بالملائكة
Ang mga Muslim ay matapat na naniniwala sa mga Anghel. Nilikha ng Allah ang mga Anghel mula sa liwanag samantalang ang tao ay nilikha mula sa alabok. Bawat tao ay may dalawang anghel na nagbabantay at nagtatala sa lahat ng kanyang ginagawa, mabuti man o masama.Ang talaang ito ay tinatawag na Talaan ng Gawa. Ito ang ihaharap sa tao sa Araw ng Paghuhukom. Kung matimbang ang kanyang mabubuting gawa, siya ay mapuputa sa Paraiso. Ngunit kung higit na matimbang ang kanyang masasamang gawa, siya ay mapupunta sa Impiyerno.
Kung tutuusin, nag pagkakalikha sa tao ay nakahihigit kaysa sa Anghel sa dahilang ang tao ay nilikha ng Allah na may kalayaan – ang sumunod o sumuway. Ngunit ang mga Anghel ay nilikha ng Allah na walang layang sumuway. Tanging ang ipinag-uutos lamang ng Allah ang kanilang ginagawa.
4. Paniniwala sa mga Propeta – الإيمان بالرسل
Mahigpit na ipinag-uutos sa mga Muslim ang maniwala sa lahat ng mga Propeta. Hindi siya matatawag na Muslim kung itatakwil niya ang isa man sa mga Propeta . Ang ilan sa mga Propetang ito ay sina: Noah, Abraham, Ismael, Isaac, Jacob, David, Solomon, Joseph, Moises, Aaron, Juan Bautista, Hesus at si Mohammad (SAWS)
Ang Paniniwala sa kanila ay pantay at walang pagtatangi. Kailangang mahalin at igalang silang lahat sapagkat sila ay isinugo ng Nag-iisang Tagapaglikha—ang Allah. Magkagayunman, ni isa sa kanila ay hindi dapat sambahin. sa katunayan, walang sinumang Propeta ang nagturo na siya mismo ay dapat sambahin. Ang lahat ng Propeta ay Muslim sapagkat sila, noong kanilang panahon ay sumunod, sumuko at tumalima sa Iisang Allah-Ang Tagapaglikha. Ang kanilang pangunahing turo o aral ay ang pagsamba, pagsuko at pagtalima sa Allah. Ang pamamaraan ng kanilang pagsamba ay iisa. Silang lahat ay tuwirang tumalima at nagpatirapa sa Allah sa kanilang pagdarasal.
Sadyang iisa ang buod ng Mensahe ng lahat ng Propeta sa dahilang iisa ang Allah na nagsugo sa kanila. Kung marami man ang uri ng pananampalataya sa ngayon, ang mga ito ay hindi nagmula sa Allah bagkus ay nagmula sa pagtuturo ng tao.
Ang pagmamahal at paggalang sa mga Propeta ay kailangan sapagkat sila ang daan, ang ilaw at ang katotohanan. Ang aral o mensahe nilang lahat ay nagmula sa Iisang Tagapagsugo—ang Allah. At tiyak na makakamtan ng tao ang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom kung siya ay tunay na sumusunod sa aral at turo ng Propeta.
Ang Ilan sa kania ay Ulol Azm tulad nila: 1. Nuh (Noah) 2. Ibrahim (Abraham) 3. Musa (Moses) 4. Isa (Jesus) 5. Muhammad 5. Paniniwala sa Araw ng Paghuhukom – الإيمان باليوم الآخر
5. Ang Muslim ay kailangang maniwala sa Araw ng Paghuhukom.
Ang lahat ng tao ay mamamatay na siya namang simula ng buhay na walang-hanggan; Paraiso o Impiyerno.
Sa Banal na Qur’an (3 :185 ), ang Allah ay nagsabi:
“Ang lahat ng tao ay makararanas ng kamatayaan at sa Araw ng Paghuhukom lamang kayo’y gagawaran ng sapat na kabayaran…”
At sa Araw na iyon, ang lahat ng tao ay ibabangong muli ng Allah at Kanyang hapan batay sa kanilang gawa. Sinuman ang sumamba tanging sa Allah lamang at gumawa ng mabuti ay mapupunta sa Paraiso. Ngunit ang sinumang sumamba sa iba maliban sa Allah ay mapupunta sa Impiyerno.
Dapat lamang na maniwala sa Araw ng Paghuhukom upang magkaroon ng saysay ang buhay ng tao sa mundong ito. Sa batas ng tao, marami ang gumagawa ng mabuti ngunit hindi nabibigyan ng sapat na gantimpala. Marami din ang gumagawa ng masama ngunit hindi nahapan o nabibigyan ng tamang kaparusahan. Subalit sa Araw ng Paghuhukom, ang Allah na Siyang Makapangyarihan at Dakilang Hukom ay magbibigay ng tama at sapat na gantimpala o parusa sa lahat.
Sa Araw na iyon, doon matatagpuan at makakamtan ang lahat ng tunay na katarungan, at tanging ang Allah lamang ang makapagbibigay nito.
6. Paniniwala sa Kahihinatnan at Walang Hanggang Kaalaman ng Allah. – الإيمان بالقدر خيره وشره
Ang Muslim ay kailangang maniwala na ang lahat ng nangyayari ay pinahihintulutan ng Allah: mabuti man o masama sa paningin ng tao. Walang magaganap sa kaharian ng Allah na salungat sa kanyang nais. Siya ang Maalam at ang Maawain, at ano man ang Kanyang naisin ay may makahulugangg layunin.
Dapat din siyang maniwala na ano man ang kanyang mga kahihinatnan ay pinahihintulutan ng Allah. Ang kahihinatnan ng tao ay bunga rin ng kanyang gawa sapagkat binigyan siya ng Allah ng kalayaan na pumili ng mabuti o masama.
Anuman ang magiging bunga ng kanyang pagpili ay itinalaga at pinahintulot ng Allah. Ang Allah lamang ang tanging nakababatid sa kahihinatnan ng lahat ng pagsisikap ng tao. Kung ito ay mailalagay ng tao sa kanyang puso, tatanggapin niya ng buong pananampalataya ang lahat ng loobin ng Allah kahit ito ay hindi niya nauunawaan nang ganap.
Dapat ding paniwalaan ng Muslim na bagamat hindi niya nakikita ang Allah, ay nakikita naman siya Nito. Batid ng Allah ang lahat maging ang nakatago sa puso. Bukod sa mga nabanggit na paniniwala ng Muslim, ang Islam ay mayroon ding limang haligi na dapat gampanan o isagawa. Ang Paniniwala ay hindi sapat.
Ang pananampalataya na walang gawa ay walang buhay o saysay. Sa Islam, ang mga sumusunod ay nararapat na isagawa ng isang Muslim bilang pangunahing daan tungo sa kaligtasan at upang matamo ang biyaya ng Alllah.
Recent Posts
See AllAng mga hindi naniniwala ay hindi makakapag-bigay ng kapani-paniwalang rason para ipalawanag ang pagkakaroon ng sandaigdigan o ng buhay...
IGNORANCE o ang kamangmangan sa sariling relihiyon ang siyang pinakamalubhang problema ng ating henerasyon. sinabi ng Allah: ". At huwag...
Kung history po ang ating pagbabasihan ng word for word, ay masasabi po nating nauna ang Christianity, ngunit kung ang diwa po ang ating...
Comments